Ngatal ang labi nang bumigkas ng dalamhati't dasal
Impit ang hininga, naghihimagsik itong kalooban
Mahigit isang dekadang pamamaalam din ang namagitan
Maligalig ang isipan nang lisanin ang bayang tinubuan
Masalimuot ang diwa, bantulot ang ulirat
Lagablab ng apoy sa dibdib di mahihimasmasan
Luha, uhog, pawis, at dugo ang siyang pinuhunan
Kay hirap bunuin magkahalong tuwa't hapis na tangan
Payak ang hangarin sa kaibuturan
Maging may akda ng buhay na may katuturan
Nyayong hawak na itong parihabang papel na luntian
Tanong sa puso: Ipipinid na rin ba ang tarangkahan?
Tatalikod at hahayo ng walang balik-tanaw?
Mistulang anino na napatda't papanaw
Animo'y hagupit na tingga sa dibdib ang dumantay
Kikitlin anumang natirang alab na pinakaiingatan.
O pakikinggan ko pa ba itong sundot sa kamalayan?
Paglawain pa ang pag-unawa, aamuhin pa ang kandungan?
Makatwiran pa ba, karapatdapat pa bang ipaglaban?
Salat na ba sa pag-asa, kalawangin na ba ang buto't kalamnan?
Sunday, July 01, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
Congrats on finally getting your green card, Dr. G! If I were you, I wouldn't lay a guilt trip on myself about going back to the old country or not. I'm sure that when the right time comes, you will make the right decision... a decision that you can live with and be happy about. Meanwhile, thank you for a heartfelt poem such as this one. I will eagerly await your future writings!
Post a Comment