Tandang tanda ko pa
Noong ika'y binansagan, pinutungan
Tinaguriang "makabagong bayani" ng bayan.
Ipinarada ka pa nga't
Inilawan ng dagitab
Sa entablado ng madla
Ikaw daw ay dakila
Masinop na manggagawa ng bayan.
Nahan ka na Mang Pandoy?
Kumusta na ang buhay-buhay Mang Pandoy?
Parang nakita kita noong isang araw
Sa Dubai o Bahrain
Alam kong ikaw yon
Kilala ko ang makulimlim mong mga mata
Namumula sa asin ng pawis at hapdi ng araw
Habang iniikot mo'ng ma-grasang barina
Ng makina ng gasolina, kasabay ang taimtim
Na dalangin para sa kinabukasan ng pamilya
Nahan ka na Mang Pandoy?
Kumusta na ang buhay-buhay, Mang Pandoy?
Namukhaan kita kahapon
Sa California o Australia
Alam kong ikaw yon
Naaninag ko pa ang kunot sa iyong noo
Habang akay mo and inaalagaan mong matanda
"Caregiver" na raw
Ang tawag sa iyo ngayon
Ngunit walang nagbabantay
Sa taytay mong ulyanin
Mag-isa, naiwan mo sa probinsya.
Nahan ka na Mang Pandoy?
Kumusta na ang buhay-buhay, Mang Pandoy?
Hintay, ikaw yon
Noong isang linggo
Nabangga mo pa nga ako
Sa flea market ng Kowloon
Bangkok o Singapore
Nasalat ko pa nga ang mga
Makakapal mong kalyo
Mga sugat at pilat sa mga palad mo
DH ka na pala sa lupang banyaga
Ang bunso mo'y naiwan
Walang ina, walang ama
Nahan ka na Mang Pandoy?
Kumusta na ang buhay-buhay, Mang Pandoy?
Pagbutihin mo, itaas ang noo
Magsikap ka pa, Mang Pandoy
Nang maitaguyod at ma-iahon mo
Pamilyang lublob sa karalitaan
Sakim pa rin ang lipunan
Pinaghaharian ng mayayaman
Pag-igihin mo, gumawa ng sariling paraan
Ayos lang sa akin kahit pansamantalang
Lumisan at magsiphayo sa malayong bayan
Alam kong ayaw mo nang maging
Mura't hamak na palamuti lamang
Sa sakim, sinungaling at huwad
Na liwanag ng dilaw na parol.
Wednesday, October 18, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment